Home » Page 9

Isang ordinaryong araw ng pagsilang

12-28-07

Araw ng Paglalaba ngayon dahil:

Una, tambak na ang labahin at wala na akong maisuot na bra.
Ikalawa, malakas na ulit ang tubig after 48 years. Salamat at nagawa na ang tangke.
Ikatlo, marami akong panahon para maglaba (At sa sobrang dami nga, nag-iinternet pa ako kasabay ng paglalaba ko – oha kaya n’yo yun?).

Oo nga’t masarap maglinis ng kwarto. Yung tipong kung pwede ko nga lang itaktak ang kwarto ko, gagawin ko para masiguradong walang maiiwang alikabok sa kasingit-singitan nito. Masarap mag-ayos ng gamit. Masarap magwalis ng alikabok at napakaraming nalagas na buhok. Masarap ding makapuno ng isang malaking plastic bag na puro basura lang ang laman – mga tiket sa bus na naipon sa bag, mga papel na itinatago dahil akala’y kailangan pero itatapon din pala, mga balat ng kendi na ayaw ilagay sa bulsa ng pantalon, mga readings na sa palagay ay wala ng saysay.

Pero mas masarap pa ring maglaba. Iba pa rin yung sabay-sabay mong pinapaliguan ang mga damit mong matagal-tagal na ring nakatambak sa isang sulok ng kwarto. Tinitiis ang maalinsangang pakiramdam. Tinitiis ang isa’t-isa. Tinitiis ang sarili. Masarap silang pagmasdang eksayted na naliligo. Paikot-ikot pero hindi nahihilo kasama ng mga bulang kumikiliti sa kanila. Pilit mong iisiping nakikiliti lang sila kahit na baka sa aktwal ay nasasaktan sila. Pagkatapos, sabay-sabay mo silang ilalagay sa spin dryer para matuyo ng kaunti. Medyo makulimlim, kailangang matuyo sila agad bago tuluyang dumilim at  (huwag naman sanang) umulan. Tapos, isa-isa mo silang iha-hanger. Ipipila mo sa medyo mababang sampayan. At ikaw ay masisiyahan.

Mas madalas akong maglinis ng kwarto kaysa ang maglaba. Kaya siguro mas nagiging fulfilling din siya para sa akin. Kaya nga sa katunayan, siguro ilang buwan na rin ang nakalipas noong huli akong maglaba ng sarili kong mga damit.

At ilang buwan na rin ang nakalilipas noong huli kong kusutin ang mga mantsa sa sarili ko na dapat ko nang burahin.

*

Hindi dahil malapit ng magbagong taon. Matagal pa naman ang bertdey ko. Hindi naman ako maglalayas. Hindi rin ako magpapakasal. Mas lalong hindi pa ako buntis o manganganak.

Pero kailangan kong magbagong-buhay. Kailangan kong pumanaw upang mabigyan ng daan ang panibagong pagsilang.

Ito ang Ordinaryong Araw ng Pagsilang dahil:

Una, tambak na ang kailangang baguhin at/o kitilin.
Ikalawa, umunlad na ang aking kakayahang magsuri, umunawa at itulak ang sarili tungo sa pag-unlad.
Ikatlo, wala ng iba pang nararapat na panahon - nasa akin ang lahat ng panahon - upang magsimulang muli.

 
Walang dahilan upang ito ay ipagpaliban. Medyo makulimlim. Kailangang matuyo ang sampay - ang pagbabagong-buhay - bago tuluyang dumilim at muling umulan.

*

Ito na ang pinakamadugo sa lahat – ang himay-himayin ang lahat ng nag-uunahang umakyat sa utak ko patungo sa mga daliri ko at isulat. Hindi ito madali pero kailangan. Sa umpisa, aaminin ko hindi ko ito gusto pero (muli) kailangan. At kung bakit ba nagiging kailangan ay dahil sa sarili ko rin namang kagustuhan.

Kung walang tunggalian, walang pag-unlad. Walang pag-unlad kung walang tunggalian (muli’t-muli kong sasambitin hanggang sa makaraos ang isang ‘to).

Posted by sinukuan at 8:58:00 | permalink | Add comment

Walang maghihintay

12-26-07

Hindi ko mapipigil ang pagtakbo ng panahon. Uusad ito ng labas sa aking kagustuhan at kapasyahan. Magbabago ang mga bagay. Maluluma ang mga dating halos hindi ko pa maunawaan. Aalis ang mga dating akala ko’y dati na at mananatiling nariyan. May mamamatay ng hindi mo namamalayan. May aalis ng walang paalam pero hindi mo na rin susubukan pang pigilan.

Tunay na mapagpalaya ang isiping nagbabago ang lahat, umuusad lahat patungo sa pag-unlad. Hindi ko pa man matingnan sa ngayon ang mga pagbabago, naniniwala akong kapwa ihahatid tayo nito kung saan dapat tayong tumungo.

Walang maghihintay dahil kapwa tayo maglalakbay.

 

Salamat at may mga salita. Hindi na ako mag-iisa.

Posted by sinukuan at 9:18:00 | permalink | Add comment

Dito nagtatapos

12-25-07

Kaya dito rin nag-uumpisa.

Ngayon kailangang isilang dahil ngayon unti-unting namamatay. Kailangang manatiling buhay. Bukas, sa mga susunod pang araw, buwan at taon ka mawawalay. Oo, alam kong hindi pa sigurado pero nagpapaalam na ako. Hindi upang iwan ka at baunin sakali ang lahat ng matitira mo sa akin. Kung hindi upang sapat lamang para makaahon bago pa man malugmok. Sapat lang para makausad, dahan-dahan man - urong-sulong.

Hindi. Hindi ako magdadalamhati sa iyong pag-alis. Hindi ko ikamamatay ang tayo ay magkahiwalay. Hindi ngayon. Hindi dahil dito. Hindi dahil doon. Marahil mag-aalala ako paminsan-minsan. Pero hindi ako mababalisa. Hindi siguro. Pipilitin kong huwag mainip. Hindi ko hihilahing pabalik ang panahon. Pero marahil magsisimula akong tumulala sa hangin. Magnanakaw ng ilang saglit sa loob ng isang araw para sagipin ang sarili sa pagkahibang.

Hindi ko na maalala subalit kailan lang ng mahumaling ako sa pagbibilang

- ng mga oras, araw, alikabok, ulap, ibon, ipis, punit na papel, bertdey ng iba, buntung-hininga, jeep na dumadaan, bet na joke, panaginip. Hindi ko hihintayin ang iyong pagbabalik. Subalit magbibilang ako at baka kapag nakailang milyon na ako,

magkita ulit tayo.

 

 

Posted by sinukuan at 1:05:00 | permalink | Add comment