Ito ang pinakamainit na tag-init.
03-24-08Maraming kapasyahan ang naghihintay na matuldukan. Maraming pamamaalam. Nariyan din ang malalakihang pag-amin - sa sarili, sa iba. May mga pangarap na magiging ganap. Maraming kailangang pag-usapan. May mga ilang kinakabahan. Subalit nangingibabaw ang pananabik. Pag-ibig at pananabik. Pag-asa at pananabik. Galit at pananabik. Lungkot at pananabik. Maraming hindi maiiwasang magkiskisan - at sumiklab. Papatindi ang init ng araw. At lahat sa ilalim nito’y natutunaw.
Ito ang pinakamainit na tag-init.
O.P.
02-24-08Parang may mali sa ginagawa ko ngayong pagharap sa kompyuter at pagbablog. Parang may mali rin sa pakikinig ng isang lab song na nagpapahiwatig ng burgis na pag-ibig. Parang may mali sa pagcheck-in sa hotel sa kasagsagan ng lahat ng mga kaganapan sa bansa.
Hindi ko alam, ako ba ang may problema? Parang may mali sa posisyong kinalalagyan ko. Parang hindi ako dapat narito. Parang may pakiramdam akong hindi ito talaga totoo.
Nagbiblink ang cursor sa monitor. Nahihintay sa mga susunod na salitang itatayp ko. Pero parang may mali sa pag-iisip ng susunod na itatayp. Parang may mali sa pag-iisip lang. Parang may mali sa paghihintay lang.
Walang ibang panahon kung hindi ngayon.
02-21-08Kaya nagpapasya ang isang tumindig at lumabas, iwanan ang sariling maliit na mundo at lawakan ang pagtanaw ay dahil sa umiigting na tunggaliang nagtutulak sa kanyang pumanig at magpasya. Ito ay katibayang papatindi ang krisis kaya hindi na makakayanan pa ang magtiis. Bawat panahon - lalo na ang ngayon - ay napakahalaga. At kung bakit naman mahalaga ang ngayon ay dahil sa bukas na matagal nang nagsimula at patuloy na nabubuo
ngayon.
Kating-kati na kasi
02-2-08Hindi naman dahil sa gusto ko nang umalis. Ayoko lang talagang manatili.
Isa, paulit-ulit at mahabang araw
01-27-08Hindi ako masyadong nagsusulat ngayon, hindi dahil hindi ako masyadong nag-iisip. Ang totoo niyan, palagi akong nag-iisip at kaya nga hindi ako makapagsulat ay dahil hindi natatapos ang aking pag-iisip. Paano ko nga naman isusulat? Kaya ngayon nag-aattempt lang akong maresolve sa proseso ng aking pagsusulat ang ilan sa aking mga iniisip.
Hindi naman ako umaasang hahantong sa isang resolusyon lahat ng bagay na iniisip ko. Maaaring sa pagkilos mareresolba ang ilan - ang marami. Kaya siguro imbis na nagsusulat ako, kumikilos na lang ako kaagad. Wala naman kasing nareresolba minsan (sa mga panahong ito sa punto ng pag-usad ng mga bagay) sa pag-iisip lang. Tama nga, may hangganan ang pag-oobjectify. Hindi lang ito dahil nalilimitahan ako ng aking uri at mga karanasan, kung hindi dahil bilang tao, limitado rin ang kaalaman ko sa partikular na panahon dahil limitado lang din ang kaya kong malaman at maunawaan bilang isang nilalang. Pero hindi ibig sabihin na hindi posible ang pag-usad sapagkat sa katunayan, walang hanggan (hindi natin maaaring malaman) ang ating kapasidad para umunlad kagaya ng walang hanggang kapasidad ng kaalaman na umunlad. Muli, diyalektiko ang pag-iral ng mga ito. Tayo ay umuunlad dahil umuunlad ang ating paligid, at gayundin, nakasalalay sa ating pag-unlad ang pag-unlad ng ating paligid - ng ating lipunan.
Subalit muli, marami ang nananatiling hindi resolbado. Hmmm. Marahil, pagkilos na nga (at hindi na pag-iisip ng pag-iisip) ang tugong hinihingi sa akin.
*
Mapalad ang mga tulad kong maraming panahon at wala gaanong distractions upang mag-isip at magreflect. Pero kawawa rin, dahil kadalasan, natatapos lang ang lahat sa pag-iisip.
Sabi mo nga (dahil siguro napapagod ka na rin sa palagi kong pagbubuntung-hininga sa’yo at wala ka namang maipayo sa akin), "Gawin mo na kasi at makikita mo, mareresolb lahat ng ‘yan kasi malalaman mo na kung ano talaga ang gusto mo". Alam ko namang tama ka. Apir! (Hehe).


