Home » Page 7

Isang mapagpalayang gabi.

04-28-08

Masaya lang ako.

Madalas gutom. Lalong pumayat. Malaki ang eyebags dahil sa araw-araw na pagpupuyat. Makapal na ang kalyo sa paa. Hindi kumokonti bagkus ay dumadami pa nga ang tighiyawat. Palaging marumi ang kuko dahil sa alikabok sa kalsada. Dahil sa kalalakad, masakit lagi ang paa.

Pero sana mapansin kahit sa ganito kong hitsura na masaya ako. Masayang masaya.

Posted by sinukuan at 23:02:00 | permalink | Add comment

Over pedicure.

04-7-08

Salamat sa tiwala mo. Alam kong hindi madaling ibukas ang mga ganoong personal na bagay. Pero hindi naman ako ibang tao sa’yo at alam nating pareho na kung may dapat magdamayan, tayo ‘yun. Salamat sa tiwala mo sa kakayahan kong makinig at umunawa, hindi man magpayo. Matagal ko nang gustong itanong sa’yo ang parehong bagay na itinanong ko sa’yo: Ano ba talaga ang gusto mo? Hindi na ako nagulat noong itinanong ko sa’yo iyon at hindi ka nakasagot nang maayos. Basta ang sabi mo lang, gusto mong gumawa ng mga bagay na gusto mong gawin. Hindi na nakapagtatakang malaman na hindi rin malinaw para sa’yo kung ano nga ba ang gusto mo. Paanong hindi, eh buong buhay mo ang gusto lang ng ibang tao ang alam mo. 

Hindi ko rin alam kung ano ang makapagpapaligaya sa’yo ngayon. Pero kahit papaano, alam ko ang makabubuti sa’yo. Hindi ko man maipagkaloob sa’yo kung ano ang makapagpapaligaya sa’yo o kung ano talaga ang gusto mo (na not necessarily kailangan mo), at least kahit papaano matutulungan kitang malaman at makuha ‘yun gamit ang sarili mong lakas, talino at kapasyahan.

Hindi pa naman huli ang lahat. Kahit tumatanda na tayong pareho, hindi naman nangangahulugan na magkakalayo tayo - kahit pa pag maglaon ay lisanin ko na ang tahanan nating ilang taon ding nagbuklod sa atin.

Kung noon, pinagbubuklod lang tayo ng dugo, espasyo at mga alaala ng maraming taong pagsasama, nakikita kong ngayon ang simula ng pagbubuklod natin sa prinsipyo na sa aktwal ay mas makapagbibigkis sa atin higit pa sa kung paano tayo nagbibigkis ngayon bilang mag-ina.  

 

Hangad ko ang sabay nating pag-unlad at paglaya.  

Posted by sinukuan at 11:58:00 | permalink | Add comment

Palipad-hangin 01

04-4-08

Wala mang katiyakan ang mga bagay, sana sapat na (kahit ngayon lang) ang sinsero kong kagustuhang matuto at gawin ang dapat at kailangan. Hindi ako nagtatalumpati sa hangin. Kinakausap ko lang ang sarili ko. Kailangan ko ‘yun sa mga panahong tulad nito. Kahit kailan, hindi naging madaling pumanig at magpasya.

Posted by sinukuan at 19:27:00 | permalink | Add comment

Dahil graduation is in the air.

04-1-08

Katatapos lang ng theses defense ng batchmates ko sa UP film.
Kagagraduate lang ng kapatid ko sa kanyang tech-voc course sa TUP Manila. Naunahan niya pa ako.
Kagagraduate lang ng dalawa kong pinsan. ‘Yung isa, pre-school. ‘Yung isa naman elementary. Pareho silang may awards at proud na proud na ikinuwento sa akin.

Syempre, hindi maiwasan na pati mga magulang ko (at halos lahat ng nakakakilala sa akin) ay mag-graduation mode na rin. Tinanong ako ng tatay ko kung kailan daw ba ako gagraduate at sabihan ko raw siya habang maaga kung kailan para mapaghandaan niya at nang makauwi siya. Sabi naman ng lola ko, itigil ko na raw ‘ang ginagawa ko’ at bumalik na sa dati, atupagin ko na lang daw ang pag-aaral ko at nang makagradweyt na ako.

Hindi ko rin makakalimutang noong nakaraang linggo lang ay tinanong ako ng nanay ko kung ano raw ba ang plano ko pagkagradweyt ko. ‘Yung kapatid ko raw kasi, hindi alam ang gagawin sa buhay ngayong gumradweyt na. Hindi alam ang gusto at nakabatay lang ang gagawin niya sa kung ano ang gusto ng tatay ko.

(Matagal ko nang hinintay na tanungin nila ako kung ano ang gusto ko)

Sabi ko, hindi na ako magtatrabaho pagkatapos kong gumradweyt. Sabi ko, mag-oorganisa ako sa mga maralitang taga-lungsod.

Syempre nagulat ang nanay ko. Pero hindi naman niya kinuwetisyon pa kung bakit iyon ang gusto ko. Ang tanong niya lang ay, “Eh bakit ka pag pinag-aral ng papa mo kung hindi mo rin naman magagamit?”. Sabi ko sa kanya, doon ko nga mamamaximize ang natutunan ko sa UP, sa pag-oorganisa.

Tumahimik lang siya sandali. Subalit alam kong ang pagtahimik na iyon ay hindi tulad nang dati na ayaw lang niyang pag-usapan ang mga tungkol sa ganoong bagay, takot na marinig mula sa akin ang ayaw niyang marinig. Alam kong sa pagkakataong ito, ang pananahimik niya ay simbolo ng pagkaunawa, pagtanggap at pagrespeto sa mga paniniwala ko at sa buhay na gusto kong tahakin.

Wala namang tiyak sa buhay na ito kung hindi ang tunggalian at ang pagbabago. Kaya naman, alam ko ring walang katiyakan ang pananatili ng ganoon kong kagustuhan at plano. Pero ang tiyak ko lang, sa ngayon, gusto kong itulak ang sarili kong buong-pusong yakapin ang ganoong klase ng pamumuhay, ang mamuhay (ng walang pagroromantisa) kapiling ang batayang masa, matuto mula sa kanila at makipagtulungan para mapalaya ang bawat isa. Gayundin, ang natitiyak ko lang, hindi ko pinanghihinayangan ang hindi ko pa pagradweyt o ang hindi ko na pagradweyt sa kolehiyo. Hindi ko ipagpapalit ang mga natutunan ko sa labas ng klasrum sa buong panahong wala ako sa loob ng klasrum, abala lang sa paggradweyt ko.

Habang pinanonood ko nga ang mga pelikula ng batchmates ko noong isa-isa silang nagdedefend, naisip ko na mas kapaki-pakinabang sana ang mga pelikulang ito, ang mga talento nila at talino kung ito ay iniaalay nila sa batayang masa para pukawin, organisahin at pakilusin sila para sa kanilang mga batayang interes. Mas magiging makabuluhan sana ang mga pelikula kung ipinalalabas ito sa mga komunidad, piketlayn, lansangan, sa kanayunan imbis na makukulong lang sa mga sinehan, isasali sa mga kompetisyon at panonoorin ng pare-parehong klase ng mga tao lamang. Pero higit sa lahat, mas magagamit sana ng mga estudyante, ng mga artistang ito ang kanilang galing kung hindi na lamang sila makakahon sa paggawa ng pelikula upang umambag sa panlipunang pagbabago. 

 

(Kinikilig lang ako habang naiisip kong mga organizer sa komunidad at sa kanayunan ang batchmates ko. Magagaling sila bilang mga artista, pero mas maganda kung magiging magagaling din silang mga organizer. Mas marami silang mapapakilos kung bibitiwan nila ang kanilang mga kamera at direktang lalahok sa pakikibaka.) 

 

Posted by sinukuan at 11:53:00 | permalink | Add comment

Sabi mo nga "Dapat nandun ako, pero nandito ako kasama mo." -chos! haha

03-31-08

"Kamusta ka na?"

Mahina mong tanong habang pareho tayong nakapikit at inaantok sa ilalim ng katanghalian ng Marso na dinagdagan pa ng kawalan ng electric fan sa isang maliit na kwarto.

Parati mo naman akong tinatanong ng ganoon, pero hindi naman parating nagkakaroon ng pagkakataon upang sagutin talaga ang mga tanong na tulad noon. Marami sana akong pwedeng isagot, bilang sabi mo nga inoobjectify ko lahat ng bagay kahit yung mga hindi naman na dapat. Pero sa pagkakataong iyon, pakiramdam ko wala akong maisagot hindi dahil sa wala talaga kung hindi dahil sa palagay ko, sapat nang tinanong mo ako. 

Sapat na ring alam kong nariyan ka lang. Kuntento na akong nalalamang nariyan tayo para sa isa’t-isa.  

Posted by sinukuan at 12:31:00 | permalink | Add comment