Na naman
08-22-08Nawawala. Malapit nang magwala. Dahil dapat nang kumawala. May nasaktan, nasasaktan at masasaktan. Pero hindi dapat sarili ang maiwanang sugatan. Higit sa kahit ano pa man, ayokong maiwanan. Subalit, tumatakas siguro dahil takot sa sariling lakas.
Siguro. Baka. Iyan lang ang maisusugal ko sa’yo ngayon. Sana tanggapin mo dahil ‘yan lang ang nakayanan ko. Sige. Hindi na ako aasa sa mga pangako mo. Hindi ko naman ‘yun kailangan. Hindi ko rin naman kayang suklian.
Inaaral ko pa kung paano tatanggapin ang sarili ko ng buo. Hilaw, luto, mainit-init pa, bulok, inaamag na. O kung paano kong bubuuing muli ang winasak ko na o hinayaan kong wasakin nila.
Sana mahintay mo, hanggang sa handa na ako.
*
Pagsusulat, Pagkanta at Pink - ito pa rin ang mga true love ko. Ayoko pa ring magsuot ng maong na pantalon, t-shirt at backpack. Parati pa rin akong tumitili at weird pa rin ang expressions ko. Oo na, kikay (pa rin) ako. Hindi ako impulsive. Hindi ako friendly. Iyakin ako at lalo akong iiyak kapag pinigilan mo ako. Ayokong umiibig sa kahit sino o ano dahil sa katunayan madali akong umibig at madaling masaktan. Kaya gusto kong inaayawan ang mga totoong gusto ko. Feeling ko ang bawat pagkakataon ang huling pagkakataon. Kaya maharot ako. Matigas ang ulo. Tamad magpaliwanag. Minsan hindi sumasabay ang utak ko sa bibig ko. Hindi naman ako sinungaling. Madali lang talagang magbago ang isip ko.


