Hanggang
07-20-08Ayoko dito. Ayoko rin doon. Itinatanong mo tuloy, saan ako pupunta ngayon?
Tipikal na peti-burges. Ayaw sa kasalukuyan. Hindi naman marating ang hinaharap. Ayaw sa kung anong meron ngayon. Hindi naman maabot kung ano ang pangarap. Habang nagpupumilit iangat ang sarili, lalo namang lumulubog sa kinatatayuan.
Kung dati’y may kaunting ginhawa sa panandaliang pagtakas, ngayo’y lalong sakit at pagpapahirap sa sarili ang dulot nito. Nagiging lalong maikli ang panahon ng pagtakas dahil madaling magbalik sa katotohanan. Kumakalam ang sikmura. Napapagod ang isip. Pumipikit ang mata. Naririndi ang tenga. Nangangati ang paa.
Kung dati’y nakikitang solusyon kahit papaano ang panandaliang paglayo, ngayo’y hindi man lang magawang masagi ang ganoon sa isip.
Sa pagpupumilit ilatag ang kung saan-saang maaaring tumakbo patakas, palayo lalong nagiging malinaw na hindi iyon ang solusyon. Sapagkat ang totoo, walang buhay, walang bukas sa labas ng rebolusyon.


