Salubong sa Hulyo
07-1-08Ito ang unang araw ng Hulyo.
At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, kasabay ng pakikipagtaguan ko sa sikat ng araw sa pagitan ng mga sanga at dahon, unti-unti kong naramdaman ang pagbabalik ng lahat. Sa isang iglap, nagbalik ang daigdig na puno ng damdamin at tula. Sa isang iglap, nagbalik ang patuloy na nagbabagong ako sa patuloy na nagbabagong mundo.
Matagal ko ring hinintay ang pagkakataong ito. Salamat. Panatag na muli ang loob ko.
*
Ikaw ang kabiyak ko hindi dahil pinupunan mo ang mga pagkukulang ko. Ikaw ang kabiyak ko sapagkat ikaw ang sumasalamin sa lahat ng hindi ko nakikita sa tuwing tinitignan ko ang sarili ko. Hindi ko nakikita hindi dahil hindi umiiral. Hindi ko nakikita sapagkat suhetibo ang sarili at limitado ang kakayahang makakita. Ikaw ang kabiyak ko na hindi ko lang kabahagi subalit bahagi ng mas malaking mundong iniibig ko at nais pang baguhin tungo sa mas ikagaganda at ikauunlad nito.
*
May pag-ibig pa kayang mas hihigit sa isang pag-ibig na nag-aanak ng mas malalim at matatag na pag-ibig? Siyang pag-ibig na hindi napapagod umibig? Siyang pag-ibig na hindi namimili ng iibigin?


