Home » Archives » July 2008

Hanggang

07-20-08

Ayoko dito. Ayoko rin doon. Itinatanong mo tuloy, saan ako pupunta ngayon?

Tipikal na peti-burges. Ayaw sa kasalukuyan. Hindi naman marating ang hinaharap. Ayaw sa kung anong meron ngayon. Hindi naman maabot kung ano ang pangarap. Habang nagpupumilit iangat ang sarili, lalo namang lumulubog sa kinatatayuan.

Kung dati’y may kaunting ginhawa sa panandaliang pagtakas, ngayo’y lalong sakit at pagpapahirap sa sarili ang dulot nito. Nagiging lalong maikli ang panahon ng pagtakas dahil madaling magbalik sa katotohanan. Kumakalam ang sikmura. Napapagod ang isip. Pumipikit ang mata. Naririndi ang tenga. Nangangati ang paa.

Kung dati’y nakikitang solusyon kahit papaano ang panandaliang paglayo, ngayo’y hindi man lang magawang masagi ang ganoon sa isip.

Sa pagpupumilit ilatag ang kung saan-saang maaaring tumakbo patakas, palayo lalong nagiging malinaw na hindi iyon ang solusyon. Sapagkat ang totoo, walang buhay, walang bukas sa labas ng rebolusyon.

 

Posted by sinukuan at 9:40:00 | permalink | Comments Off

Dahil hindi pinaghihilom kung hindi pinatitigas pa ng panahon

Hayaan mong ang sakit na dinadala ng puso mong ‘di nakakalimot ang magtulak sa’yo para manatili at magpatuloy.

Posted by sinukuan at 9:36:00 | permalink | Add comment

Alaalang paulit-ulit

07-2-08
Napakalawak na ng mundong ginagalawan ko. Maraming pasikut-sikot. Oo, alam kong maaari akong mawala ng ilampung beses dahil mahina ang memorya ko at malabo ang mga mata ko. Alam ko ring maaari akong madapa at madulas ng ilampung beses din dahil mahina akong magbalanse at bukod sa mabagal maglakad at madiin kung tumapak, minsan sa totoo lang, tulog ako habang naglalakad. 
 
Pero hindi na ako takot maligaw, madapa, madulas, magkasugat. Ang kalawakang ito ang tahanan ko. Ito na ang buhay ko. At ako ay nadadapa hindi dahil sa wala akong makapitan kung hindi dahil kailangan kong matutong tumayo ng paulit-ulit at magpatuloy. Hindi naman nila ako kailanman iiwanan. 
Posted by sinukuan at 14:17:00 | permalink | Add comment

Salubong sa Hulyo

07-1-08

Ito ang unang araw ng Hulyo.

At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, kasabay ng pakikipagtaguan ko sa sikat ng araw sa pagitan ng mga sanga at dahon, unti-unti kong naramdaman ang pagbabalik ng lahat. Sa isang iglap, nagbalik ang daigdig na puno ng damdamin at tula. Sa isang iglap, nagbalik ang patuloy na nagbabagong ako sa patuloy na nagbabagong mundo. 

Matagal ko ring hinintay ang pagkakataong ito. Salamat. Panatag na muli ang loob ko.

*

Ikaw ang kabiyak ko hindi dahil pinupunan mo ang mga pagkukulang ko. Ikaw ang kabiyak ko sapagkat ikaw ang sumasalamin sa lahat ng hindi ko nakikita sa tuwing tinitignan ko ang sarili ko. Hindi ko nakikita hindi dahil hindi umiiral. Hindi ko nakikita sapagkat suhetibo ang sarili at limitado ang kakayahang makakita. Ikaw ang kabiyak ko na hindi ko lang kabahagi subalit bahagi ng mas malaking mundong iniibig ko at nais pang baguhin tungo sa mas ikagaganda at ikauunlad nito. 

*

May pag-ibig pa kayang mas hihigit sa isang pag-ibig na nag-aanak ng mas malalim at matatag na pag-ibig? Siyang pag-ibig na hindi napapagod umibig? Siyang pag-ibig na hindi namimili ng iibigin? 

Posted by sinukuan at 20:02:00 | permalink | Add comment