Home » Archives » 18. June 2008

Latak.

06-18-08

Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano pa ang halaga (kung mayroon pa nga ba) sa akin ng blog na ito. Kung dati rati’y nasasayahan akong magmuni-muni at isulat sa kapirasong espasyo ko sa world wide web ang ilan sa mga naiisip kong gusto kong patampukin, ngayon wala na halos akong matagpuang aliw sa ganoong gawain. Bukod sa wala naman na akong kakayahang mag-internet ng madalas, kung anuman ang mga mahahalagang bagay na naiisip ko, nararamdaman, natututunan ay hindi ko na kailangang isulat pa. Sa araw-araw na isinasapraktika ko ang mga nalalaman ko, sa araw-araw ng pakikisalamuha ko sa iba’t-ibang tao, wala na halos (kung mayroon man ay bihira o katiting na katiting lang) natitira pa para isulat ko. Sa madaling salita halos (dahil hindi naman lubos) latak na lang ang mga nakasulat dito. Kung mayroon man akong gustong ibahagi, sa palagay ko’y hindi sa pamamagitan ng pagsusulat ko iyon lubos na maibabahagi. Hindi pagsusulat ang pinakamainam na porma. Masyadong kapos ang mga salita at sagrado ang mga karanasan para isulat.

 

 

*

 

Hindi na ako umiiyak ngayon. Nakalimutan ko na yata kung paano. Hindi ko na rin siguro kasi kailangan pa. Napakahirap ng buhay at hindi humihilom ang sakit na nararamdaman ko subalit napakakonti ng dahilan para magugol ang oras ko sa pag-iyak. Matutulog na lang ako.

 

 

 

Posted by sinukuan at 23:51:00 | permalink | Add comment