Kagaya nga ng sinabi mo, masamang masaktan.
06-14-08Habang ikinukuwento mo sa akin ang plano mong makipaghiwalay sa asawa mo na siya namang tatay ko, naririnig ko sa balita sa telebisyon (dahil sa’yo ako nakatingin) na tumaas na naman ang presyo ng langis. Kasunod ng balitang ito ang maiikling footage ng mga riot sa iba’t-ibang bansa dahil sa pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis.
Pumatak ang luha ko pero hindi mo napansin. Tuloy ka pa rin sa paglalahad ng mga saloobin mo. Walang luhang pumatak mula sa’yo pero ramdam kong kahit pagod na ang mga mata mo sa mahabang panahong kakaiyak ng palihim, marami pa ring luha ang naghihintay humulagpos.
Pumatak ang luha ko pero hindi mo napansin. Hindi ko rin nga napansin eh. Hindi ko kasi alam kung saan ba ako mas naiyak, sa nakaambang paghihiwalay ninyo na mauugat natin sa pagiging pyudal ng lipunan at dahil sa pagiging OFW ni papa o sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at sa kabulukan ng kapitalismo. Siguro pareho. Iisa lang naman kasi ang dahilan at kasagutan sa lahat ng ito.
*
Dear Diary,
GALIT NA GALIT AKO. Hindi ako titigil magmahal kahit pa ang kasalukuyang panlipunang kaayusan ay pinipigilan tayong magmahal at maging masaya ng totoo. Hindi ako titigil umibig, magalit at maghimagsik. Matagal nang inagaw ng mga naghaharing uri ang lahat sa atin pero hindi natin dapat hayaang agawin pati ang kalayaan at karapatan nating ipaglaban lahat ng inagaw at patuloy na ipinagkakait sa atin.


