(’Di natin) Araw (natin) ‘to.
06-19-08Napakakomplikado ng buhay. Napakakomplikado mo - napakaganda, napakahusay, napakabuti para maisalarawan kita sa pamamagitan ng mga salita. Kaya hayaan mo na lang na maipakita ko sa pamamagitan ng pagpapaunlad ko sa sarili ko kasama na ang pakikitungo ko sa mundo at sa ibang tao kung gaano kita kinikilala, kung gaano kita tinatangi, kung gaano kita minamahal. Nagpapatuloy tayo una at huli dahil sa pag-ibig.
*
Sabi nga ng isang kaibigan: The fundamental concept behind your relationship is the greatest good for the greatest number.
Latak.
06-18-08Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano pa ang halaga (kung mayroon pa nga ba) sa akin ng blog na ito. Kung dati rati’y nasasayahan akong magmuni-muni at isulat sa kapirasong espasyo ko sa world wide web ang ilan sa mga naiisip kong gusto kong patampukin, ngayon wala na halos akong matagpuang aliw sa ganoong gawain. Bukod sa wala naman na akong kakayahang mag-internet ng madalas, kung anuman ang mga mahahalagang bagay na naiisip ko, nararamdaman, natututunan ay hindi ko na kailangang isulat pa. Sa araw-araw na isinasapraktika ko ang mga nalalaman ko, sa araw-araw ng pakikisalamuha ko sa iba’t-ibang tao, wala na halos (kung mayroon man ay bihira o katiting na katiting lang) natitira pa para isulat ko. Sa madaling salita halos (dahil hindi naman lubos) latak na lang ang mga nakasulat dito. Kung mayroon man akong gustong ibahagi, sa palagay ko’y hindi sa pamamagitan ng pagsusulat ko iyon lubos na maibabahagi. Hindi pagsusulat ang pinakamainam na porma. Masyadong kapos ang mga salita at sagrado ang mga karanasan para isulat.
*
Hindi na ako umiiyak ngayon. Nakalimutan ko na yata kung paano. Hindi ko na rin siguro kasi kailangan pa. Napakahirap ng buhay at hindi humihilom ang sakit na nararamdaman ko subalit napakakonti ng dahilan para magugol ang oras ko sa pag-iyak. Matutulog na lang ako.
Kagaya nga ng sinabi mo, masamang masaktan.
06-14-08Habang ikinukuwento mo sa akin ang plano mong makipaghiwalay sa asawa mo na siya namang tatay ko, naririnig ko sa balita sa telebisyon (dahil sa’yo ako nakatingin) na tumaas na naman ang presyo ng langis. Kasunod ng balitang ito ang maiikling footage ng mga riot sa iba’t-ibang bansa dahil sa pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis.
Pumatak ang luha ko pero hindi mo napansin. Tuloy ka pa rin sa paglalahad ng mga saloobin mo. Walang luhang pumatak mula sa’yo pero ramdam kong kahit pagod na ang mga mata mo sa mahabang panahong kakaiyak ng palihim, marami pa ring luha ang naghihintay humulagpos.
Pumatak ang luha ko pero hindi mo napansin. Hindi ko rin nga napansin eh. Hindi ko kasi alam kung saan ba ako mas naiyak, sa nakaambang paghihiwalay ninyo na mauugat natin sa pagiging pyudal ng lipunan at dahil sa pagiging OFW ni papa o sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at sa kabulukan ng kapitalismo. Siguro pareho. Iisa lang naman kasi ang dahilan at kasagutan sa lahat ng ito.
*
Dear Diary,
GALIT NA GALIT AKO. Hindi ako titigil magmahal kahit pa ang kasalukuyang panlipunang kaayusan ay pinipigilan tayong magmahal at maging masaya ng totoo. Hindi ako titigil umibig, magalit at maghimagsik. Matagal nang inagaw ng mga naghaharing uri ang lahat sa atin pero hindi natin dapat hayaang agawin pati ang kalayaan at karapatan nating ipaglaban lahat ng inagaw at patuloy na ipinagkakait sa atin.
Ang bawat pagkakataon ay panahon ng pagpanig - ng pagdedesisyon.
06-7-08Pasukan na naman. Subalit ngayon, ‘di tulad ng mga nagdaang taon, hindi na ako mag-eenrol. Graduating na dapat ako ngayon. Pero ngayon ko lang din unti-unting natututunan na ang hindi ko na pagpasok sa paaralan ay pagpanig at pagsasabing tama na, tatahakin ko na ang direksyong dapat tahakin ng bawat isa (na dapat matagal ko nang tinahak). Ito ay pagpapasyang ganap na mag-aral at matuto ng mga bagay na may saysay sa sarili at sa lipunan. Bukod doon, ang totoo lang namang pagsisilbi sa bayan ay ang paglahok sa pakikibaka ng mga mamamayan.
Pero gayunpaman, walang anumang bagay ang tapos na. Ang bawat pagkakataon ay panahon ng pagpanig - ng pagdedesisyon.


