Home » Post Item » Pagtatagpong mapait.

Pagtatagpong mapait.

05-31-08

Tinanong kita kung paano ba timplahin itong pulbo na nakakapagpaitim ng buhok. Tinanong mo naman ako kung makakabuhay pa ba sa panahong ito ang buwanang sahod na sampung libong piso.

Nang hindi ako sumagot, ikinuwento mo na sa akin na sa edad mong singkwenta’y tres naiisipan mo pa ring makipagsapalaran sa ibang bansa, umaasang kahit sa loob ng dalawang tao’y makakaipon ka ng sapat para sustentuhan ang sarili mo sa nalalapit mo na ring pagreretiro.

Wala na nga namang oportunidad na naghihintay sa mga tulad mo dito sa bansa natin. Wala ka rin namang pamilya. Matanda kang dalaga. Nababatid mong walang puwang ang mga tulad mo sa ganitong lipunang ang lahat ng tao ay palaging nag-uunahan sapagkat walang nakalaan para sa bawat isang nangangailangan.

Kahit na may kinang pa sa mga mata mo habang ikaw ay nagkukuwento,
Kahit pa puno ng pag-asa ang mga guhit sa mukha mong siyang patunay ng pagiging masayahin mo, Hindi ko maiwasang magbuntunghininga at sagutin ka na lang ng katahimikan.

At habang tinuturuan mo ako kung paano magtina ng namumuting buhok,
Naisip ko kung paano ba pagtatakpan ang mga bakas ng lumipas na panahon
At kung paanong iniwanan nito ang isang nasaktan, bigo at nanghihinayang?

Posted by sinukuan at 15:50:00 | permalink

Add a comment