Walang kawala(ng kawala).
05-29-08Nakakalipad nga, pero paikut-ikot lang sa langit na parisukat. Pumapaibabaw man pero hanggang doon lang, sa kisameng malayo sa ulap. Kahit ilang beses ko mang tangkaing tumakbo o tumalon, lalo lang akong lumulubog sa sarili kong kumunoy. Kaya kung minsan, kahit hindi naman ako pagod, mas gusto ko pang tumunganga na lang, maghintay at paliparin sa langit ang lahat ng aking hinahanap.
Kung nahihirapan kang palayain ang sarili mo sa ganitong sistema, mas lalo akong nahihirapan. Kailangan ko pang palayain ang sarili ko sa’yo.
Madalas kong isipin kung paanong mangyayaring mapapalaya tayo ng pag-ibig na siya mismong umaalipin sa atin. Minsan, gusto kong lumayo hindi upang tumakas sa hirap at sakit, kung hindi upang simulan ang paghulagpos patungo sa ganap na paglaya.


