Dahil graduation is in the air.
04-1-08Katatapos lang ng theses defense ng batchmates ko sa UP film.
Kagagraduate lang ng kapatid ko sa kanyang tech-voc course sa TUP Manila. Naunahan niya pa ako.
Kagagraduate lang ng dalawa kong pinsan. ‘Yung isa, pre-school. ‘Yung isa naman elementary. Pareho silang may awards at proud na proud na ikinuwento sa akin.
Syempre, hindi maiwasan na pati mga magulang ko (at halos lahat ng nakakakilala sa akin) ay mag-graduation mode na rin. Tinanong ako ng tatay ko kung kailan daw ba ako gagraduate at sabihan ko raw siya habang maaga kung kailan para mapaghandaan niya at nang makauwi siya. Sabi naman ng lola ko, itigil ko na raw ‘ang ginagawa ko’ at bumalik na sa dati, atupagin ko na lang daw ang pag-aaral ko at nang makagradweyt na ako.
Hindi ko rin makakalimutang noong nakaraang linggo lang ay tinanong ako ng nanay ko kung ano raw ba ang plano ko pagkagradweyt ko. ‘Yung kapatid ko raw kasi, hindi alam ang gagawin sa buhay ngayong gumradweyt na. Hindi alam ang gusto at nakabatay lang ang gagawin niya sa kung ano ang gusto ng tatay ko.
(Matagal ko nang hinintay na tanungin nila ako kung ano ang gusto ko)
Sabi ko, hindi na ako magtatrabaho pagkatapos kong gumradweyt. Sabi ko, mag-oorganisa ako sa mga maralitang taga-lungsod.
Syempre nagulat ang nanay ko. Pero hindi naman niya kinuwetisyon pa kung bakit iyon ang gusto ko. Ang tanong niya lang ay, “Eh bakit ka pag pinag-aral ng papa mo kung hindi mo rin naman magagamit?”. Sabi ko sa kanya, doon ko nga mamamaximize ang natutunan ko sa UP, sa pag-oorganisa.
Tumahimik lang siya sandali. Subalit alam kong ang pagtahimik na iyon ay hindi tulad nang dati na ayaw lang niyang pag-usapan ang mga tungkol sa ganoong bagay, takot na marinig mula sa akin ang ayaw niyang marinig. Alam kong sa pagkakataong ito, ang pananahimik niya ay simbolo ng pagkaunawa, pagtanggap at pagrespeto sa mga paniniwala ko at sa buhay na gusto kong tahakin.
Wala namang tiyak sa buhay na ito kung hindi ang tunggalian at ang pagbabago. Kaya naman, alam ko ring walang katiyakan ang pananatili ng ganoon kong kagustuhan at plano. Pero ang tiyak ko lang, sa ngayon, gusto kong itulak ang sarili kong buong-pusong yakapin ang ganoong klase ng pamumuhay, ang mamuhay (ng walang pagroromantisa) kapiling ang batayang masa, matuto mula sa kanila at makipagtulungan para mapalaya ang bawat isa. Gayundin, ang natitiyak ko lang, hindi ko pinanghihinayangan ang hindi ko pa pagradweyt o ang hindi ko na pagradweyt sa kolehiyo. Hindi ko ipagpapalit ang mga natutunan ko sa labas ng klasrum sa buong panahong wala ako sa loob ng klasrum, abala lang sa paggradweyt ko.
Habang pinanonood ko nga ang mga pelikula ng batchmates ko noong isa-isa silang nagdedefend, naisip ko na mas kapaki-pakinabang sana ang mga pelikulang ito, ang mga talento nila at talino kung ito ay iniaalay nila sa batayang masa para pukawin, organisahin at pakilusin sila para sa kanilang mga batayang interes. Mas magiging makabuluhan sana ang mga pelikula kung ipinalalabas ito sa mga komunidad, piketlayn, lansangan, sa kanayunan imbis na makukulong lang sa mga sinehan, isasali sa mga kompetisyon at panonoorin ng pare-parehong klase ng mga tao lamang. Pero higit sa lahat, mas magagamit sana ng mga estudyante, ng mga artistang ito ang kanilang galing kung hindi na lamang sila makakahon sa paggawa ng pelikula upang umambag sa panlipunang pagbabago.
(Kinikilig lang ako habang naiisip kong mga organizer sa komunidad at sa kanayunan ang batchmates ko. Magagaling sila bilang mga artista, pero mas maganda kung magiging magagaling din silang mga organizer. Mas marami silang mapapakilos kung bibitiwan nila ang kanilang mga kamera at direktang lalahok sa pakikibaka.)


