Sabi mo nga "Dapat nandun ako, pero nandito ako kasama mo." -chos! haha
03-31-08"Kamusta ka na?"
Mahina mong tanong habang pareho tayong nakapikit at inaantok sa ilalim ng katanghalian ng Marso na dinagdagan pa ng kawalan ng electric fan sa isang maliit na kwarto.
Parati mo naman akong tinatanong ng ganoon, pero hindi naman parating nagkakaroon ng pagkakataon upang sagutin talaga ang mga tanong na tulad noon. Marami sana akong pwedeng isagot, bilang sabi mo nga inoobjectify ko lahat ng bagay kahit yung mga hindi naman na dapat. Pero sa pagkakataong iyon, pakiramdam ko wala akong maisagot hindi dahil sa wala talaga kung hindi dahil sa palagay ko, sapat nang tinanong mo ako.
Sapat na ring alam kong nariyan ka lang. Kuntento na akong nalalamang nariyan tayo para sa isa’t-isa.
Ito ang pinakamainit na tag-init.
03-24-08Maraming kapasyahan ang naghihintay na matuldukan. Maraming pamamaalam. Nariyan din ang malalakihang pag-amin - sa sarili, sa iba. May mga pangarap na magiging ganap. Maraming kailangang pag-usapan. May mga ilang kinakabahan. Subalit nangingibabaw ang pananabik. Pag-ibig at pananabik. Pag-asa at pananabik. Galit at pananabik. Lungkot at pananabik. Maraming hindi maiiwasang magkiskisan - at sumiklab. Papatindi ang init ng araw. At lahat sa ilalim nito’y natutunaw.
Ito ang pinakamainit na tag-init.


