Home » Archives » 25. December 2007

Dito nagtatapos

12-25-07

Kaya dito rin nag-uumpisa.

Ngayon kailangang isilang dahil ngayon unti-unting namamatay. Kailangang manatiling buhay. Bukas, sa mga susunod pang araw, buwan at taon ka mawawalay. Oo, alam kong hindi pa sigurado pero nagpapaalam na ako. Hindi upang iwan ka at baunin sakali ang lahat ng matitira mo sa akin. Kung hindi upang sapat lamang para makaahon bago pa man malugmok. Sapat lang para makausad, dahan-dahan man - urong-sulong.

Hindi. Hindi ako magdadalamhati sa iyong pag-alis. Hindi ko ikamamatay ang tayo ay magkahiwalay. Hindi ngayon. Hindi dahil dito. Hindi dahil doon. Marahil mag-aalala ako paminsan-minsan. Pero hindi ako mababalisa. Hindi siguro. Pipilitin kong huwag mainip. Hindi ko hihilahing pabalik ang panahon. Pero marahil magsisimula akong tumulala sa hangin. Magnanakaw ng ilang saglit sa loob ng isang araw para sagipin ang sarili sa pagkahibang.

Hindi ko na maalala subalit kailan lang ng mahumaling ako sa pagbibilang

- ng mga oras, araw, alikabok, ulap, ibon, ipis, punit na papel, bertdey ng iba, buntung-hininga, jeep na dumadaan, bet na joke, panaginip. Hindi ko hihintayin ang iyong pagbabalik. Subalit magbibilang ako at baka kapag nakailang milyon na ako,

magkita ulit tayo.

 

 

Posted by sinukuan at 1:05:00 | permalink | Add comment